October 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagkasya lamang sa tansong medalya si Paris Olympics double gold me-dalist Carlos Yulo sa men’s floor exercise event ng FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Jakarta, Indonesia.
Nagtala si Yulo ng 14.533 puntos na nakuha nito mula sa 5.900 sa difficulty at 8.566 sa execution.
Nakumpleto ng Great Britain ang 1-2 punch kung saan nangibabaw si Filipino-British Jake Jarman habang pumangalawa naman si Luke Whitehouse.
Nakalikom si Jarman ng 14.866 puntos galing sa 8.666 sa execution at 6.300 sa difficulty para masiguro ang gintong medalya.
Umiskor naman si Whitehouse ng 14.666 puntos tangan ang 8.566 sa execution at 6.100 sa difficulty upang makumpleto ang dominasyon ng Great Britain sa naturang event.
Nagkasya naman sa ikaapat na puwesto si American Kameron Nelson na may 14.133 puntos habang pumanlima si Tikumporn Surintornta ng Thailand na nagtala ng 13.700 puntos.
Nasa ikaanim si Milad Karimi ng Kazakhstan (13.600), ikapito si Krisztofer Meszaros ng Hungary (13.266) at ikawalo si Kazuki Minami ng Japan (12.533).
Hindi nakalahok sa torneo si dating Olympic champion Artem Dolgopyat ng Israel matapos itong hindi mabigyan ng visa ng Indonesian government.
Target ni Yulo na maka-resbak sa pagsabak naman nito sa finals ng men’s vault ngayong araw.
Pangatlo si Yulo na magpe-perform sa vault finals na magsisimula sa alas-3 ng hapon (oras sa Maynila).
Unang masisilayan si Tommaso Brugnami ng Italy kasunod si Daniel Marinov ng Russia.
