Lobrido bumandera sa mga Pinoy boxers sa AYG


Philstar.com

October 25, 2025 | 5:27pm

SAKHIR, Bahrain — Pinamunuan ni Philippine delegation flag bearer Leo Mhar Lobrido ang ratsada ng mga Filipino boxers sa pagbubukas ng event sa Asian Youth Games dito sa Exhibition World Bahrain.

Tinalo ng 16-anyos na si Lobrido si Salte Alhadidi ng Jordan, 5-0, sa flyweight division.

Ang panalo ay nagdala kay Lobrido, pamangkin nina Olympians Isidro at Virgilio Vicera sa quarterfinals at makakatapat si Sri Lankan Binul Dulnada Dewasiri Narayana.

Tinalo naman ng 16-anyos na si Shairylle Pores si Uzbekistan bet Bukhshonabonu Ahaduva, 3-2, sa girls’ light flyweight habang minalas si Ermalie Caballero kay Xinying Cui ng China, 2-3, sa girls’ flyweight class.

Sa girl’s volleyball, pinamunuan ni Sam Cantada ang 25-15, 28-26, 25-21 panalo ng Alas Pilipinas sa Hong Kong para sa tsansa sa Round of Eight.

May 2-1 record ang mga Pinay spikers sa Pool F sa ilalim ng Thailand (3-0).

Pupuntiryahin ng Alas Pilipinas ang semifinals spot sa pagsagupa sa Chinese Taipei.

Sa taekwondo, minalas sina Juan Victorio Yamat at Felicity Jana Castel sa kanilang mga quarterfinal matches laban sa mga Kazakh fighters.

Hindi naman nakapasok sa quarterfinals sina Raphael Valentin Gaupo at Mary Heart Capulong.

Dahil dito ay anim na Pinoy fighters na lamang ang natira sa taekwondo competitions.

Ito ay sina Rhiyanne Agatha Cadilena (girls -49kg), Lhord Jared Patrick Pasaron (boys -73kg), Princess Sarah Grace Pascual (girls 55kg), Matt Rejhan Lavestre (boys -55kg), Chuck Aeron Alariao (boys -63kg) at EJ Gaa (girls -63kg).