October 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Itinuloy ng University of Perpetual Help System DALTA sa tatlo ang kanilang pananalasa matapos takasan ang College of St. Benilde, 75-73, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Kumolekta si Mark Gojo Cruz ng 19 points, 6 rebounds, 1 assist at 1 steal para sa 7-1 record ng Altas sa Group A kasabay ng paghuhulog sa Blazers sa 4-3 marka sa Group B.
“Ine-enjoy ko lang din kasi may konting gigil talaga eh,” wika ni Gojo Cruz. “Hindi pa ako nananalo sa Benilde sa college career ko.”
Ang three-point shot ni Ian Torres ang nagtabla sa St. Benilde sa 73-73 sa huling 2:23 minuto ng fourth quarter.
Sinundan ito ng salaksak ni Gojo Cruz para sa 75-73 abante ng Perpetual na hindi na bumitaw para selyuhan ang panalo.
Sa unang laro, lalo pang inilaglag ng Emilio Aguinaldo College ang Lyceum of the Philippines University sa ilalim matapos kunin ang 84-75 panalo.
Bumira si Nico Quinal ng 18 points para sa 4-4 baraha ng Generals sa Group B habang may 17 at 10 markers sina Jaerolan Omandac at Jude Bagay, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Renz Villegas ang Pirates, may 1-6 karta ngayon sa Group A, sa kanyang 18 points, 7 rebounds at 4 assists at nagdagdag si Ato Barba ng 16 points, 9 rebounds at 5 assists.
Ang mabagsik na 20-2 atake ng EAC sa third period ang tuluyan nang nagpalobo sa kanilang kalamangan patungo sa panalo sa Lyceum.
