Bubot na Bayabas (102) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

“Ano bang napana­ginipan ni Guava, Apol? Mabigat ba?” tanong ni Manang.

“Hindi naman po gaano Manang. Pero ako ang nagwo-worry para kay Guava.”

“Bakit?”

Ikinuwento ni Apol kay Manang ang nangyari kay Guava na napanaginipan ang misteryosang babae habang mataas ang lagnat. Sinabi ni Apol na pinayuhan ng babae si Guava na maglaga ng dahon ng bayabas at inumin. Nang makainom si Guava ng nilagang dahon, gumaling at nawala ang lagnat.

“Gusto po naming malaman kung sino ang babae at bakit nagpakita siya sa panaginip. Ang babaing iyon din ang nagbigay ng tsinelas kay Guava nung siya ay 13-anyos.”

“Aba mahiwaga nga pala ang ikukunsulta mo kay Tandang Santo. Misteryosa ang babae sa panaginip ni Guava.”

“Oo nga po Manang kaya gusto ko talagang malaman ang nasa likod ng pagpapakita niya sa panaginip.”

“Talagang si Tandang Santo ang makasasagot ng mga ‘yan.”

“Mahusay ba talaga siya Manang.”

“Oo. Kilalang-kilala siya sa Nagcarlan.”

Nag-isip si Apol.

Ilang beses huminga nang malalim.

“Ano Apol, sasamahan ko kayo ni Guava kay Tandang Santo?”

“Sige Manang.”

(Itutuloy)