October 28, 2025 | 12:00am
Sa banggaan ng 3 sasakyan
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi makaraang aksidenteng mahulog sa bangin at tuluy-tuloy sa ilog ang isang Elf truck dahil sa banggaan ng tatlong behikulo sa Brgy. Tocucan, Bontoc, Mountain Province nitong Lunes ng umaga.
Sa report ng Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), dakong alas-6 ng umaga nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.
Ayon sa MDRRMO nakabanggaan ng kulay asul na Elf truck ang isang Fiera at isang mini dump truck habang bumabagtas ito sa pakurbada at bulubunduking highway sa Sitio Gawa, Brgy. Tocucan ng bayang ito.
Sa lakas ng pagkakabangga, nahulog ang Elf truck sa bangin na nasa 100 metro ang lalim bago ito tuluyang bumulusok sa Chico River sa ibaba ng bundok.
Nagresponde naman ang rescue team at naiahon ang bangkay ng tatlo sa mga obrero ng Balintaugan Construction.
Ayon kay Dr. Diga Kay Gomez ang tatlong obrero ay pawang dead-on-the-spot nang magtamo ng matitinding sugat sa ulo at katawan.
Ayon sa imbestigasyon ang mga construction workers ay lulan ng Elf truck na patungo na sana sa kanilang project site sa Kuro-Kuro, Sadanga nang maganap ang sakuna.
Ang drivers at helpers ng iba pang behikulo ay nagtamo ng bahagyang mga sugat lamang sa katawan.
Nabatid pa na lima katao ang lulan ng Elf truck na kinabibilangan ng isang driver at apat na obrero.
