November 12, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na makakasama si naturalized player Justin Brownlee sa oras na magsimula ang ensayo ng tropa sa susunod na linggo.
Nakatakdang magsimula ang training camp ng Gilas Pilipinas sa Nobyembre 17 bilang paghahanda sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Aarangkada ang first window ng qualifiers sa Nobyembre 28.
Kaya naman tiwala si Cone na makukumpleto ang kanyang bataan sa ensayo kabilang na si Brownlee na ‘missing in action.’
Napaulat na may sakit na pneumonia si Brownlee dahilan para hindi ito makapaglaro para sa Meralco Bolts sa EASL.
Ngunit wala pang pormal na statement ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) o mismong si Brownlee kung ano ang tunay na kalagayan nito.
Gayunpaman, nais ni Cone na makapagsimula agad sa ensayo para masigurong handa ang kanyang tropa bago sumabak sa first window ng qualifiers.
Ayon kay Cone, ilang araw magsasanay ang Gilas sa Inspire Sports Academy upang magpakundisyon
Unang makakalaban ng Gilas ang Guam sa Nobyembre 28 sa Calvo Field House sa Guam.
Muling maghaharap ang Gilas at Guam sa Disyembre 1 sa Blue Eagle Gym sa Ateneo.
Kumpirmadong hindi muna makalalaro si Kai Sotto na nasa rehabilitasyon pa matapos umailalim sa operasyon sa unang bahagi ng taon dahil sa ACL injury.
Hahalili sa puwesto ni Sotto si Quentin Milora-Brown na nabigyan na ng go signal ng FIBA para makapaglaro bilang local player.
