White sumisid ng 10 golds sa Thailand


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling nagpasiklab si Filipino-British Hannah White matapos humakot ng 10 ginto at dalawang pilak na medalya sa ginanap na 2025 FOBISIA Games sa Patana School sa  Thailand.

Apat na sports ang nilahukan ni White — sa athletics, swimming, football at basketball.

Maningning ang ratsada ni White sa swimming kung saan sumisid ito ng limang ginto tampok ang tatlo sa individual events.

Maganda rin ang kamada ni White sa athletics nang kumana ito ng apat na ginto sa 1,500m run, 200m dash, high jump, at long jump.

Maliban sa apat na ginto, nakahirit pa si White ng dalawang pilak sa javelin throw at 4x100m relay.

Tinulungan din ni White ang team nito na makopo ang gintong medalya sa basketball event habang nagkasya lamang sa ikaapat na puwesto ang tropa nito sa football.

“I would like to thank Mr. Andy Smith, our Sports Director at ABC International School for his guidance and support during the four days of competition,” ani White.

Nagpasalamat din ito sa kanyang pamilya na patuloy na sumusuporta sa kanya.

“I’m also very thankful to my parents for always being there for me — especially my mum, who supports me at every training session. It’s not easy competing in four different sports, but their encouragement helps me become better every day,” dagdag ni White.

Si White ang nakababatang kapatid ni Heather White na miyembro ng national swimming team kasama si Micaela Jasmine Mojdeh.

Sasabak sina Heather at Mojdeh sa 2025 Southeast Asian Games na idaraos sa susunod na buwan sa Bangkok, Thailand kung saan target ng dalawa na makahirit ng medalya.

Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa aksyon sina Heather at Mojdeh sa SEA Games kaya’t nais ng mga ito na magkaroon ng magandang debut sa naturang biennial meet.

“We’ll be cheering for them in the SEA Games,” ani Hannah.