Huwag pabiktima sa top 12 Paskong scam


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

November 19, 2025 | 12:00am

INILUNSAD ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pangunguna ni Atty. Aboy Paraiso kasama ang Scam Watch Pilipinas at ilang pribadong grupo ang Ho­liday Watch PH 2025, isang taunang kampanya para sigura­duhin na hindi maa-ambush ng mga mandarambong online.

Ayon kay Paraiso, panahon na para unahan ang mga scammer bago pa sila makaiskor. “Pag-holiday season, luma­lakas ang trip ng mga scammer mas tuso, mas malilikot. Kaya trabaho namin na ihanda ang bawat Pilipino para hindi kayo mabitag ng mga pekeng text, bogus delivery, phishing na tawag, at kung anu-ano pang patibong online. Simpleng goal lang namin protektahan ang bawat Pilipino ngayong Pasko,” tirada ni Paraiso.

Ibinida ni Paraiso ang top 12 scams ng Pasko: Online shop­ping scam, fake delivery scam, call scam, task/job scam, investment scam, love scam, loan scam, impersonation scam, travel scam, charity scam, middleman scam, at online gambling scam.

Sabi naman ni Scam Watch Pilipinas Co-Founder at Truth360 Inc. President Jocel de Guzman, hindi humihina ang laban dahil nakaangkla ito sa Anti-Scam Quad Model pagbabago ng asal, bolunterismo, sama-samang kilos, at teknolohiyang tumutulong sa pag-uulat.

“Proven nang epektibo ang Holiday Watch PH. Bumaba ang text scams at dumami ang nag-uulat. Tandaan, awareness ang nagliligtas ng kita, trabaho, at mismong Pasko,” ani De Guzman.

Ngayong kapaskuhan, pinaaalalahanan ang lahat na mag — #KontraScamAttitude:

Ang magdamot – ’Wag basta-basta magbigay ng impormasyon.  Magduda – ’Wag agad maniwala kahit may logo o “official” kuno. Mang-isnab – I-ignore ang kahina-hinalang message o tawag. At Magsumbong sa 1326 – Isumbong agad kung nabiktima o nakakita ng posibleng scam.

Para sa mga biktima o may nakita nang kaduda-duda, tumawag sa National Anti-Scam Hotline: 1326. Para sa hindi bik­tima pero gustong makatulong, puwedeng magpasa ng screenshot o suspicious link sa eReport ng eGOVPH app.

Hinihikayat din ang publiko na mag-download ng Whoscall sa Google Play Store o Apple App Store para makita kung sino ang tumatawag at agad mablock ang posibleng scammer.

Ayon kay Mel Migrino, Country Head at GM ng Gogolook Philippines, malaking tulong ang pagiging alerto: “Pag alam mo ang Top 12 scams, hindi ka basta mababangka ng fake shopping links, bogus job offers, impersonation, at iba pa. At ’yung Whoscall? Real-time na sandata ’yan.”

Ngayong taon, suportado ang kampanya ng Gogolook, Meta, at Truth360 Inc., bilang bahagi ng isang pinatibay na sama-samang laban para siguraduhing ligtas at scam-free ang bawat pamilyang Pilipino ngayong kapaskuhan.

Disklaymer: Ito ay isang malayang salin at pagpapalakas ng mensahe batay sa opisyal na pahayag ng mga ahensya. Layunin nitong mapalinaw ang impormasyon para sa publiko at hindi kumakatawan bilang opisyal na dokumento ng anumang sangay ng gobyerno.