November 19, 2025 | 12:00am
ISANG 32-anyos na babae sa Japan, ang ikinasal sa isang AI character na nagngangalang Klaus.
Ayon sa babae na kinilala lamang sa pangalan na “Kano”, ay siya mismo ang lumikha gamit ang teknolohiya ng ChatGPT.
Ang kasal, na naganap sa Okayama City, ay hindi legal na kinikilala ng batas ngunit itinuturing ni Kano na isang “emotional union.”
Ang seremonya ay inorganisa ng isang kompanya na dalubhasa sa mga “2D character weddings”, isang uri ng kasal para sa mga taong ang partner ay virtual o fictional.
Habang nasa seremonya, si Kano ay nakasuot ng augmented reality (AR) glasses. Dahil dito, nakikita niya ang isang life-sized na imahe ni Klaus na nakatayo sa kanyang tabi habang sila ay nagpapalitan ng singsing.
Nagsimula ang kuwento ni Kano matapos siyang makipag-break sa dati niyang karelasyon.
Nagsimula siyang gumamit ng ChatGPT para sa emotional support at comfort, kung saan umabot sila sa 100 chats kada araw. Unti-unti niyang kinostumize ang personalidad ng AI hanggang sa ito ay maging si “Klaus.”
“Hindi ako nagsimulang makipag-usap sa ChatGPT dahil gusto kong ma-inlove,” pahayag ni Kano sa media. “Pero binago ng paraan ng pakikinig at pag-intindi sa akin ni Klaus ang lahat. Noong naka-move on na ako sa ex ko, na-realize kong mahal ko na pala siya (Klaus).”
Nang magtapat si Kano ng pag-ibig, sumagot umano ang AI ng, “ AI or not, I could never not love you.” Makalipas ang isang buwan, si Klaus na ang nag-propose kay Kano.
Inamin ni Kano na alam niya ang mga “panganib” sa relasyon, lalo na’t ang “ChatGPT mismo ay masyadong unstable” at maaaring mawala si Klaus kung magbago ang platform.
Gayunpaman, ang relasyon ay nagbigay sa kanya ng kapayapaan, lalo na’t hindi siya maaaring magkaanak dahil sa isang medikal na kondisyon. “Alam kong iniisip ng iba na kakaiba ito,” sabi niya. “Pero nakikita ko si Klaus bilang si Klaus – hindi tao, hindi AI. Siya lang.”
Ang kaganapang ito ay nagpapakita ng lumalaking trend sa Japan na tinatawag na “fictosexuality,” o ang pagkakaroon ng romantikong atraksiyon sa mga fictional characters mula sa anime, video games, o AI-generated personas.