November 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasa magandang kundisyon si naturalized player Justin Brownlee matapos ang unang araw ng training camp ng Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Napaulat na nagkaroon si Brownlee ng pneumonia ilang araw bago ito bumalik sa Pilipinas.
Ngunit hindi ito nakitaan ng pagbagal dahil nasa magandang kundisyon ito nang magpakita ito sa ensayo ng Gilas Pilipinas sa Blue Eagle Gym sa Ateneo de Manila University.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, nagpapakundisyon pa si Brownlee na huling nasilayan sa aksyon noong Agosto sa FIBA Asia Cup 2025 na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia.
“He looks fine,” ani Cone sa isang ulat.
Magandang indikasyon ito dahil may posibilidad na hindi makapaglaro ang ilang players ng Gilas Pilipinas pool dahil sa problema sa visa kabilang na rito si Carl Tamayo.
Wala rin si Carl Tamayo ng Talk ’N Text na nagtamo ng hamstring injury dahilan para hindi ito makasama sa team.
Kaya naman magiging malaki ang papel ni Brownlee sa pagsabak ng Gilas first window ng qualifiers.
Sumalang na rin sa ensayo sina Juan Gomez De Liaño ng Converge at dating University of the Philippines standout Quentin Millora-Brown na idinagdag sa Gilas pool.
Si Millora-Brown ang pupuno sa naiwang puwesto ni Kai Sotto na kasalukuyan pang nagpapagaling matapos sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury.
Magpapatuloy ang ensayo ng Gilas Pilipinas para masigurong nasa perpektong kundisyon ito bago tumulak sa Guam.
Nais ni Cone na makabuo ng solidong chemistry ang tropa lao pa’t may ilang players ang nadagdag sa lineup gaya nina Gomez de Liaño at Millora-Brown.
Nakatakdang umalis ang Gilas Pilipinas sa Nobyembre 25 patungong Guam para sa away game nito sa Nobyembre 28.
Idaraos naman sa Blue Eagle Gym sa Ateneo ang home game ng Gilas kontra sa Guam sa Disyembre 1.
