Cramps | Pilipino Star Ngayon


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

November 20, 2025 | 12:00am

ANG cramps o pulikat ay ang biglaang paninigas ng muscle ng ating katawan. Kadalasan, dahil ito sa pagkapagod ng muscle, dehydration at muscle strain. Minsan, na­iipit ang nerve sa balakang o laging nakaipit sa isang puwesto ng matagal.

Kapag kulang sa mineral ang katawan, tulad ng mababa sa potassium, calcium, at magnesium, puwedeng pulikatin.

Ang mga taong madalas pulikatin ay ang may edad, kulang sa tubig na iniinom, buntis at mga may sakit sa diabetes at thyroid.

Mga dapat gawin kapag pinupulikat:

1. I-stretch ang bahagi ng muscle na namulikat o nanigas at dahan-dahang imasahe para ito ay ma-relax,

2. Para sa namulikat na binti o paa, ideretso ng bahagya ang binti at hita. Kung hindi makatayo, umupo sa sahig o silya kasama ang iyong apektadong binti.

3. Gumamit ng hot compress para mabawasan ang sakit ng pamumulikat.

Mga payo upang maiwasan ang pulikat:

1. Uminom ng walo hanggang 10 basong tubig araw-araw. Ang dami ng iinuming tubig ay depende sa iyong mga ginagawa, panahon at edad.

2. I-stretch ang muscle bago o pagkatapos gamitin ang anumang bahagi ng muscle o kalamnan. Kung nagkakaroon ng pamumulikat ng binti sa gabi, mag-stretch muna bago matulog.