November 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Humihinga pa ang Adamson University sa kanilang asam na makapasok sa final four matapos nilang silatin ang last year’s runner-up De La Salle University, 61-60 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Nakalsuhan ng Soaring Falcons ang three-game slide, napaganda nila ang kanilang karta sa 6-7 para umakyat sa solo fifth place, kalahating game na hinahabol sa nasa pang-apat na puwesto na Green Archers na tangan ang 6-6 card.
Naging matatag ang Soaring Falcons sa late rally ng Green Archers kaya naitakas nila ang manipis na panalo.
“We’re just happy to be still alive. We made it clear in the dugout that if you want to live another day, you have really no choice but to win the game. Sabi namin, in the end it will just boil down to whoever wants it more,” ani Adamson head coach Nash Racela.
Nahawakan ng Soaring Falcons ang six-point lead, 61-55 matapos ang back-to-back jumpers ni Mathew Montebon, pero inilabas din ng Green Archers ang kanilang tikas.
Bumira din si Jacob Cortez para sa Green Archers ng dalawang puntos at isang tres mula kay Earl Abadam subalit kinapos pa rin sila at tuluyang yumuko sa katunggali.
Swak sa defending champion University of the Philippines ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa Final Four matapos nilang kaldagin ang Ateneo de Manila University, 79-75 sa ikalawang laro.
Nagtulungan sa opensa sina Gerry Abadiano at Francis Nnoruka upang akayin ang Fighting Maroons sa pagkadena ng anim na sunod na panalo at irehistro ang 10-3 card.