Antone babandera sa mga Pinay FIG Artistic Gymnastics Junior Worlds


Joey Villar — Pilipino Star Ngayon

November 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Babanderahan ni Elisabeth Antone ang Philippine team sa pagsalang sa 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships sa Newport World Resorts’ Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.

Makakasama ni Antone sina Maxine Bondoc, Sabina Tayag at Jellian Bantillan sa subdivision 6 kasabay ang mga pambato ng Panama, Brazil, Argentina, Spain at Netherlands simula ngayong alas-8:30 gabi.

Hangad ng mga Pinay gymnasts na makakuha ng tiket para sa individual all-around finals na nakatakda bukas.

“We’ve high hopes for our gymnasts,” sabi ni Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion.

Kasalukuyan pang lumalahok si Karl Eldrew Yulo, kasama sina Hilario Palles III, Anthony Palles at CJ Pernia habang isinusulat ito kagabi.

Ito ang magiging pinakahuli sa anim na subdivisions kung saan ang unang grupo ay sasalang sa alas-10 ng umaga na susundan ng iba pang grupo tuwing ikalawang oras.

Ito rin ang magiging daan kung saan maaaring makakuha si Antone at iba pang mga kakampi ng silya para sa apparatus finals na idaraos sa Linggo at Lunes.

Kumolekta ang 16-an­yos na si Antone ng isang individual all-around bronze sa Asian Championships noong Hunyo sa Jecheon, South Korea.

Nakapasok naman si Bondoc sa finals ng uneven bar sa parehong Jecheon meet, ngunit bigong makasikwat ng medalya.