Pilipino Star Ngayon
November 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matapos mabigo sa men’s individual all-around finals ay wagi si Karl Eldrew Yulo ng bronze medal sa floor exercise finals ng 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships kahapon sa Manila Marriott Grand Ballroom ng Newport World Resorts sa Pasay City.
Nagtala ang 17-anyos na Pinoy gymnast ng kabuuang 13.733 points para pumangatlo kina gold medalist Yang Langbin ng China (13.833 points) at silver winner Simone Speranza ng Italy (13.766 points).
Halata ang pag-iingat ni Yulo sa kanyang ankle injury na nalasap niya sa all-around finals noong Sabado.
“Masakit pa rin po. We still managed to compete with it. We still managed to get bronze because that’s us, guys, we’re still Filipino,” ang naiiyak na wika ni Yulo.
May tsansa pa si Yulo para sa ginto sa kanyang pagsabak sa finals ng vault at horizontal bar ngayon sa pagtatapos ng torneo.
Siya ang best scorer sa floor exercise sa all-around finals sa nahakot niyang 14.300 points sa torneong inorganisa ng Office of the President, Philippine Sports Commission at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Sumalang bilang ikalawa sa walong qualifiers, nakaltasan si Yulo ng 100 points matapos mawalan ng balanse at kinailangan niyang hintaying matapos ang lahat para malaman kung pasok siya sa podium.
“I really don’t know what to say because it is not just competition,” ani Yulo. “Nakakaiyak sobra, so siyempre nag-ii-start na po ‘yung journey ko. Marami pa pong disappointments or happiness.’
