Blue Eagles kumikikig pa | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Dinagit ng Ateneo de Manila University ang impresibong 72-61 panalo kontra Adamson University upang manatiling buhay ang pag-asa sa asam na Final Four sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa MOA  Arena sa Pasay City kahapon.

Kinalsuhan ng Blue Eagles ang two-game skid upang mapaganda ng bahagya ang kanilang karta sa 6-7 kung saan ay kasalo nila sa fifth place ng team standings ang Far Eastern University Tamaraws.

Kailangan ng Ateneo na maipanalo nila ang huling laro sa 14-game elimination round laban sa last year’s runner-up De La Salle University sa Miyerkules Smart Araneta Coliseum para makahirit ng playoff para sa semifinals berth.

Samantala, sigurado  ng lalaro ang University of Santo Tomas sa semifinals matapos nilang kalusin ang top seed  National University, 80-71 sa unang laro.

Gumanda ang baraha ng Growling Tigers sa nirehistrong 8-5, inupuan nila ang solo third place at pangalawang sunod na final four appearance.

Mananatili ang Grow­ling Tigers sa No. 3 at makakalaban sa Final Four ang may tangan na twice-to-beat na University of the Philippines, kung matatalo nila ang Far Eastern University sa Miyerkules.