Gilas pa-Guam bukas | Pilipino Star Ngayon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 4:40pm

MANILA, Philippines — Lilipad na pa-Guam ang Gilas Pilipinas sa Martes para sa unang laban kontra sa host team sa paglarga ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Disyembre 1.

Nag-ensayo pa ang Gilas kahapon sa Upperdeck Gym sa Pasig, kung saan din ginanap ang kanilang send-off party na inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.

Inaasahang wala ring pahinga ang Gilas paglapag ng Guam sa pagpapatuloy ng preparasyon nito bago humarap mismo sa Guam sa University of Guam Calvo Fieldhouse sa Biyernes.

Kagagaling lang ng Gilas sa ilang araw na private trai­ning camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna, kung saan sila nakumpleto matapos ang pagdating nina Kevin Quiambao, Carl Tamayo at AJ Edu.

Malaking bagay ang pagdating ng iba pang players pati na ang pagdagdag nina Juan Gomez de Liaño at Quetin Millora-Brown sa original Gilas pool dahil sa injuries nina Calvin Oftana, Kai Sotto at Ange Kouame.

Sinamahan nila sina naturalized player Justin Brownlee, Dwight Ramos, Scottie Thompson, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, CJ Perez, Chris Newsome, Jamie Malonzo, Troy Rosario at RJ Abarrientos.

Pagkatapos ng laban sa Guam ay lilipad agad ang Gilas pabalik ng Pilipinas upang maghanda naman sa hosting ng ikalawang laban kontra sa parehong koponan sa susunod na Lunes sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.

Isa sa inasaahang makatapat ng Gilas ay ang Filipino-Guamanian na si Jericho Cruz ng San Miguel Beer.

Bukod sa Guam, kasama din ng Gilas sa Group A ang powerhouse na Australia at New Zealand para sa misyong makalasok sa World Cup sa ikaapat na sunod na edisyon.