November 26, 2025 | 12:00am
“Ngayon pa lang, excited na ako sa kasal ninyo ni Apol, Guava,’’ sabi ng ate ni Apol na si Ginger. Nasa Canada si Ginger. Siya ang dating may-ari ng mga paupahang kuwarto na ipinagkatiwala kay Apol.
“Kailangan talagang dumating ka, Ate.”
“Darating ako, Guava. Dalawa lamang kaming magkapatid ni Apol at hindi ko palalampasin ang mahalagang araw ng inyong kasal.”
“Salamat Ate. Gustung-gusto na kitang ma-meet ng personal.”
“Darating tayo roon Guava. Mabilis lang lumipas ang mga araw.”
Nang biglang maymaalala si Ginger.
“Ano nga pala ‘yung sinabi ni Apol na may mga misteryo raw na nangyari? Ano ba yun? Intrigang-intriga ako.”
Sinabi ni Guava kay Ginger ang lahat —mula sa babaing nagbigay ng tsinelas sa kanya noon, sa dalagitang kamukha niya at sa pagkunsulta sa isang albularyo na nagsabing ang pagpapakasal nila ni Apol ang magpapalaya para hindi na makursunadahan o magustuhan ng mga “kakaibang nilalang”.
Hindi makapaniwala si Ginger sa mga sinabi ni Guava.
(Itutuloy)