November 26, 2025 | 12:00am
Apat na buwan pagkatapos ng “mahiya naman kayo” SONA speech ni President Bongbong Marcos Jr., sa wakas, unti-unti nang may nangyayaring aksiyon sa malawakang korapsyon sa flood control corruption scandal.
Nito lamang, naglabas na ng arrest warrants kina dating ex-Rep. Zaldy Co at 17 iba pa, kung saan walo ay mga naaresto na. Nag-anunsiyo na rin ang bagong Ombudsman na sasampahan na ng mga kaso at aarestuhin ang mga sangkot na senador at kongresista bago mag-Pasko. Nirekomenda na rin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kaso laban kay ex-House Speaker Martin Romualdez at iba pa.
Gayunman, marami rito ay nasa antas pa lang ng mga anouncements at promises. Totoo, may ilan nang naaresto, pero malaya pa rin ang mga “main character.” Hindi na ito sasapat sa mamamayang paikli ng paikli ang pasensya at palalim ng palalim ang galit. Kailangan may malalaking isda na makulong, hindi lang puro sapsap at dilis. Kung hindi, baka ang administrasyon mismo ang mabitag sa sariling lambat at bingwit.
Krusyal ang papel ng mamamayan, partikular ang mga social movements, moral leaders at iba’t ibang sektor, sa mga darating na araw at linggo. Hindi lamang kailangan lalong paigtingin at palawakin ang kilusang protesta upang pabilisin ang pag-usad ng gulong ng hustisiya, kailangang dalhin ang pagkilos sa pagbubuwag ng mga political dynasties.
Ang mga political dynasties ang isa sa mga ugat ng korapsiyon at kahirapan sa ating bansa. Dahil sa pagkagahaman ng ilang political families, nakasentro sa kanila ang kapangyarihan, puwesto at yaman habang ang mamamayan ay namamalimos ng ayuda. Ang bangayan sa pagitan nina Marcos Jr. at mga Duterte ay sintomas ng kanser ng political dynasties.
Ito ang mensaheng bibitbitin ng Trillion Peso March Movement sa November 30 sa EDSA, People Power Monument. Kung walang political dynasties, tiyak na hihina ang culture of corruption and impunity. Kung walang political dynasties, mas maraming lalaya sa systemic poverty.
Kaya magkita-kita tayo sa EDSA sa November 30. Labanan ang korapsIyon! Ikulong ang lahat ng korap! Tutulan ang anumang tangkang coup at civil-military junta. Buwagin ang political dynasties!