Valdez, Cool Smashers reresbak sa 2026 season


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Wala pang balak magretiro si volleyball star Alyssa Valdez.

Bigo ang Creamline Cool Smashers na makapasok sa semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference matapos yumuko sa Petro Gazz, 23-25, 19-25, 25-16, 14-25, sa quarterfinals.

Ito ang unang pagkakataon na hindi masisilayan ang Cool Smashers sa semis sa loob ng mahabang panahon.

Naputol din ang podium streak ng Cool Smashers.

Ngunit hindi dito natatapos ang laban dahil desidido ang Cool Smashers na rumesbak sa susunod na season ng liga.

Mismong si Valdez na ang nagdeklara na handa ang kanilang tropa na makabawi dahilan upang tuluyang tuldukan ang mga usapin sa pagreretiro.

“Grateful for the journey, the love and the team. We’ll bounce back stronger than ever,” ani Valdez sa kanyang post sa social media.

Huling nakatikim ng kampeonato ang Cool Smashers noong 2024 nang walisin nito ang lahat ng korona sa naturang season — ang All-Filipino Conference, Reinforced Conference at Invitational Conference.

Mula noon, hindi na nakalasap ng korona ang tropa.

Nagkasya lamang ito sa runner-up trophy sa All-Filipino Conference habang naka-bronze naman ito sa PVL On Tour at Invitational Conference bago mabigong makapasok sa medal round sa ginaganap na Reinforced Conference.

Malaking dagok ang pagkalawa sa lineup nina outside hitter Jema Galaza at middle blocker Bea De Leon na parehong may iniindang injury.

“Ayun nga, yung sabi ko nga sa team, we must accept kung ano yung nangyari. Yun yung pinaka-best way na masasabi ko lang as a coach sa kanila,” ani Creamline head coach Sherwin Meneses.

Kaya naman asahang mas gigil ang Cool Smashers sa mga susunod na kumperensiya.

“Marami pa namang conference, so it’s better na i-accept agad namin kasi wala naman tayo, wala namang gustong matalo. Pero, ayun nga, pinaka-importante is acceptance ng pagkatalo,” ani Meneses.