November 28, 2025 | 12:00am
BATANGAS, Philippines — Sinibak sa pwesto ang isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO)- Taal matapos mag-viral ang litrato nito na walang suot ng helmet habang nakasakay sa motorsiklo.
Batay sa Facebook Account ng LTO-Region 4A agad na ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pagsasagawa ng masusing pagsusuri sa insidente.
Sa pangunguna ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, kinilala ang naturang personnel na si Gilda E. Zubia, ang kasalukuyang hepe ng LTO Taal Extension Office.
Agad din naglabas ng Show Cause Order laban kay Zubia at binigyan siya ng limang araw magsumite ng paliwanag alinsunod sa 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS).
Muling nagpaalala ang LTO Calabarzon sa kahalagahan ng pagsunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang disiplina sa kalsada.
Hinimok din ng ahensiya ang publiko na agad i-report sa LTO ang mga katulad na insidente, lalo na kung mga kawani ng gobyerno ang nasasangkot, upang matiyak na napapanagot ang sinumang lumalabag.
