82-anyos lolo, hinugot ang dila saka pinutol ng kapitbahay!


John Unson — Pilipino Star Ngayon

November 29, 2025 | 12:00am

Pinasok sa bahay

COTABATO CITY, Philippines — Isang uugod-ugod nang lolo ang pinutulan ng dila ng kanyang kapitbahay na may problema sa pag-iisip at diumano’y lulong sa shabu, sa loob mismo ng barong-barong ng biktima sa Tukuran, Zamboanga del Sur, kamakalawa ng madaling araw.

Kinumpirma kahapon ng mga kinauukulan sa Tukuran ang sinapit ng lolo na kinilalang si Rogelio Chavez, 82-anyos, residente ng Purok Talisay, Barangay Military, Tukuran.

Ayon sa mga barangay officials at mga imbestigador mula sa Tukuran Municipal Police Station, natutulog si Chavez sa kanyang maliit na tahanan nang pasukin ng isang nagngangalang Kimkim at inupuan sa dibdib saka hinugot ang dila at pinutol gamit ang matalas na kutsilyo.

Bigla namang nakita ng anak ng matanda na si Virgil ang pangyayari kung kaya mabilis na sumaklolo sa ama at naigupo niya si Kimkim.

Naagaw ni Virgil ang hawak na kutsilyo ni Kimkim at tuluyan siyang nahuli nang magtangkang tumakas makaraang sumaklolo na rin ang ibang kapitbahay.

Agad na nadetine ang suspect ng mga barangay officials na nagresponde sa insidente.

Mabilis namang naisugod ng mga barangay emergency responders sa pagamutan ang naputulan ng dila ang duguang matanda, na ngayon ay nilalapatan na ng lunas ng mga doktor.