December 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sasalang ang mag-amang Richard at Juliana Gomez sa parating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand ngayong buwan.
Kasama si Gomez, ang Leyte 4th District Congressman, sa Philippine compak at sporting clays team na kinabibilangan nina veteran skeet shooter Jake Ancheta, pistol expert Jed Rivilla at Carlo Baltonado.
Ang actor/politician ang pangulo ng Shooting Sporting Clay Association at sinasanay ng ilang foreign coaches kasama sina Ancheta, Rivilla at Baltonado.
Bago sumabak sa shooting ay naging miyembro muna ang 59-anyos ngayong si Gomez ng national rowing team (1989-1991), volleyball team (2014-2005) at fencing squad na tumusok ng gold medal sa team men’s epée event sa 2003 at 2005 SEA Games.
Nasa fencing din ang kanyang anak na si Juliana na lalahok sa 2025 Thailand SEA Games na nakatakda sa Disyembre 9 hanggang 20.
“As a dad, I hope that she gets the gold. So that when we come home, both of us have a gold medal,” ani Gomez kay Juliana na isang two?time UAAP champion sa University of the Philippines fencing team at gold winner sa 2022 Thailand Open Fencing and West Java Fencing Challenge.
Hangad ng Team Philippines na malampasan ang fifth-place finish sa 2023 SEA Games sa Cambodia mula sa nahakot na 58 golds, 85 silvers at 117 bronzes.
