Colombia, Argentina bakbakan sa quarterfinals


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

December 1, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magbabakbakan ang Colombia at Argentina sa quarterfinals ng FIFA Futsal Women’s World Cup ngayong gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Aarangkada ang salpukan ng Colombia at Argentina sa alas-6 ng gabi na susundan ng duwelo ng Spain at Morocco sa alas-8:30 ng gabi.

Nakapasok sa quarterfinals ang Colombia matapos ilampaso ang Thailand sa pamamagitan ng 4-1 demolisyon para masiguro ang huling silya sa Group B.

Bumandera sa ratsada ng Colombia si team captain Merlin Salcedo na nagtala ng dalawang goals — sa ikawalong minuto at ika-23 minuto ng laro.

Nagdagdag naman ng tig-isang goal sina Diana Celis sa ikaapat na minuto at Danna Rodriguez sa ika-35 minuto para dahiln ang Colombia sa panalo.

Tinapos ng Colombia ang group stage tangan ang anim na puntos mula sa dalawang panalo at isang talo para makuha ang No. 2 spot sa Group B.

Nanguna naman ang Spain na may malinis na 3-0 rekord para sa siyam na puntos.

Dalawang silya na lamang sa quarterfinals ang natitira.

Paglalabanan ito ng Japan at Tanzania sa Group C at ng Iran at Italy sa Group D. Pasok na sa quarterfinals ang Portugal at Brazil.