December 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dumikit ang Colegio de San Juan de Letran sa finals berth matapos gibain ang University of Perpetual Help System DALTA, 77-73, sa Game One ng kanilang semifinals series sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isang panalo pa ang kailangan ng Knights laban sa Altas sa kanilang best-of-three semis duel para makabalik sa NCAA Finals matapos magkampeon sa Season 98.
Nakatakda ang Game Two sa Biyernes sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumipa si rookie sensation Titing Manalili ng 15 points, 5 rebounds, 8 assists at 6 steals para sa Letran na nakahugot kay Jimboy Estrada ng 15 markers.
“Kailangan mong magkaroon ng good execution for us to siyempre, compliment that defensive mentality,” ani coach Allen Ricardo. “Siyempre, mahirap din ‘yung depensa ka ng depensa tapos hindi ka shumu-shoot.”
Binanderahan ni Patrick Sleat ang Altas sa kanyang 21 points kasunod ang 20 markers ni John Abis.
Ang pitong three-point shots ng Knights ang nagbigay sa kanila ng 19-point lead sa second period bago nakabangon ang Altas at nakalapit sa 71-75 sa huling minuto ng laro. Ang dalawang free throws ni Estrada ang sumelyo sa pang-limang sunod na ratsada ng Letran.
Samantala, tinalo ng San Beda ang St. Benilde, 91-72, para sa 1-0 lead sa kanilang semis series.
Nagkadena si Fil-Am rookie Janti Miller ng 14 points at 7 rebounds para ilapit ang Red Lions sa finals spot.