3 lalaki na namaril nasamsaman ng mga baril at bala


Omar Padilla — Pilipino Star Ngayon

December 5, 2025 | 12:00am

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang tatlong suspek na sangkot sa panloloob at pamamaril sa Brgy. Liciada, bayan ng Bustos,kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga naarestong suspek na isang 39-anyos na tattoo artist, residente ng Brgy. Malamig/Brgy. Paltok, Angat, Bulacan; isang 44-anyos na pedicab driver; at isang 30-anyos na tattoo artist din, kapwa mga residente ng Brgy. Panghulo, Malabon City.

Ayon sa ulat ni P/Capt. Heherson Zambale, officer-in-charge ng Bustos MPS, alas-3:15 ng hapon kamaka­lawa nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Bustos MPS at Bulacan PIU sa Alley 8, Karisma Ville, Brgy. Panghulo, sa lungsod ng Malabon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling araw kamakalawa nang makarinig ang mga nagpapatrulyang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng sunud-sunod na putok ng baril at kaagad nag­responde sa lugar.

Dito nila nadiskubre ang biktima na nakahandusay sa lupa at may mga tama ng bala sa hita matapos matapos pagnakawan at barilin ng mga suspek na tumakas sakay ng isang kulay abuhing kotse papunta sa direksiyon ng Pandi, Bulacan.

Nang matanggap ang ulat, ang mga tauhan ng Bustos MPS, Bulacan PIU ng Bulacan PPO at Regional Intelligence Division ay kaagad naglunsad ng back tracking sa insidente na nagbigay-daan upang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang iba’t ibang klase ng baril,mga bala, sari-saring ID, at isang bulletproof vest na may markang “NBI”.