December 5, 2025 | 12:00am
Mahigit isang dekada na ang nakalilipas, ngunit nananatiling palaisipan sa mga doktor ang kondisyon ng isang seafood diver na namaga ang katawan at nagmukhang “lobo” matapos ang isang diving accident.
Si Alejandro “Willy” Ramos Martínez ay dumanas ng kakaibang uri ng decompression sickness noong 2013.
Nangyari ito nang aksidenteng maputol nang dumaang bangka ang kanyang oxygen hose habang nasa ilalim ng dagat, dahilan upang mabilis siyang umahon sa ibabaw.
Ang biglaang pagbabago ng pressure ay nagdulot ng pagbuo ng nitrogen bubbles na na-trap sa kanyang mga kalamnan, sa halip na mailabas ng katawan.
Dahil dito, permanenteng lumobo ang kanyang dibdib at mga braso, kung saan ang kanyang biceps ay umabot sa sukat na 72 centimeters.
Ayon sa mga eksperto, hindi opsiyon ang operasyon dahil nakadikit na ang mga bula ng nitrogen sa kanyang laman at organs.
Sa kabila ng mga nangyari, nagpapasalamat pa rin si Willy na buhay siya, bagama’t miss na miss na niya ang pagsisid sa dagat.