Kontrobersyal na Discaya P110 milyong tennis court project sa Baguio, kinansela!


Artemio Dumlao — Pilipino Star Ngayon

December 4, 2025 | 12:00am

BAGUIO CITY, Philippines — Kinansela na ng Baguio City government ang kontrobersyal na P110-million contract para sa Baguio tennis courts and parking facility.

Ang proyekto na hawak ng St. Gerrard Construction na pagmamay-ari ng mag-asawang Curlee at Sara Discaya ay nabira ng mga residente ng Baguio dahil sa pagkaantala at hindi natapos na proyekto.

Sinabi ng mga city officials na nabigo ang contractor na makumpleto ang mga bahagi ng project sa tamang panahon.

Nabatid na aabot sa P26 million na kabayaran sa kontrata ang naka-hold o pinigil dahil sa hindi natapos na proyekto.

Iginiit ni Mayor Benjamin Magalong na ang terminasyon ay nagpapakita na mapapanagot ang contractor at tiniyak na ang contract termination ay layong maprotektahan ang interes ng lungsod.

Ayon kay Baguio City information officer Aileen Paguio-Refuerzo, lumagda na si Maga­long sa termination paper at ipatutupad ito ng city building office.

Magugunita na na­ging kontrobersyal ang proyekto sa simula pa lamang dahil sa kabila na “blacklisted” ang St. Gerrard Construction ay nanalo pa rin ito sa bidding ng naturang proyekto noong 2022.

Plano ngayon ng Baguio City na ire-bid ang natitirang bahagi ng proyekto at nais din nilang magsagawa ng independent audit upang ma-check kung paano napangasiwaan ang proyekto.