Baha at katiwalian: Problema ng mundo, hindi lang Pilipinas


PULSOhan — Dr. Paul Martinez — Pilipino Star Ngayon

December 11, 2025 | 12:00am

Habang patapos na ang imbestigasyon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at may naaresto na upang managot sa flood control scandal, hindi lang ’yan ang isyu rito sa Pilipinas—sumasabay tayo sa mas malawak na krisis na nangyayari sa buong mundo. Dalawang delubyo ang sabay na nananalasa ngayong 2025: ang mega-floods at ang ma­­lakas na galit ng publiko laban sa katiwalian.

Hindi na magkaibang headline ang sakuna at iskandalo. Ngayon, iisa ang tanong sa Brazil, India, Italy, Vietnam, Indo­nesia—at oo, pati rito sa atin: “Kung may pondo, bakit ganito pa rin kalaki ang pinsala?”

Sa ibang bansa, rekord ang ulan at baha; buong siyudad nalunod. Sabi ng mga eksperto, ito na raw ang breaking-point year ng climate change. Hindi na ito nagbababala; na­ni­ningil na. Pero sa gitna ng kalamidad, may isa pang mas mabigat na pagkalunod: ang pagkawala ng tiwala sa mga institusyon.

Habang tumataas ang tubig, tumataas din ang tanong ng publiko: Saan napunta ang pera para sa flood control? Sino ang nagpabaya? Bakit parang may pinipiling imbestigahan at may pinipiling palusutin?

At hindi ito ekslusibo sa Pilipinas. Sa South Korea, Argentina, Ghana, at ilang bansa sa Europa, rumesbak ang taumbayan dahil pakiramdam nila mas mabilis kumalat ang korapsiyon kaysa sa baha. Ang natural disaster, oo, hindi natin makontrol. Pero ang epekto nito? Malaki ang kinalaman sa pamamahala.

Sa atin, pareho ang pattern: baha, liquefaction, deforestation, DPWH issues, flood-control controversies, at selective justice narratives. Nakikita ng tao. Nararamdaman nila. At hindi sila bulag sa timing, direksyon, o target ng imbestigasyon.

Kaya sa buong mundo, iisang sigaw ang bumabangon: “Walang climate resilience kung may corruption.”

Habang lumalakas ang bagyo, mas malinaw ang leksyon: Hindi sapat ang matibay na istruktura. Kailangan natin ng ma­tibay na integridad.

* * *

Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 0981-8100000.