Pilipino Star Ngayon
December 15, 2025 | 12:00am
BUONG 2025 naging marahas ang China sa Pilipinas. Binangga ang mga barko ng Philiippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at
pa ng tubig. Ang matindi pati ang mga mangingisdang Pinoy ay binomba rin ng tubig—binomba sa sariling teritoryo. Hanggang kailan titiisin ang mga ginagawang ito ng China? Tatanggapin na lamang ba ang ginagawang ito? Kung naging marahas sila ngayong 2025, maaring mas marahas pa sa 2026.
Ang pinakahuling karahasan na ginawa ng China ay nangyari noong Biyernes sa Escoda Shoal. Dalawampung bangka ng mangingisdang Pinoy ang binomba ng China Coast Guard (CCG). Sa ginawang karahasan, tatlong mangingisda ang grabeng nasugatan.
Ayon kay PCG Spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, tinarget ng water cannon Chinese Coast Guard (CCG) vessels 21559 at 21562, kasama ang Chinese Maritime Militia (CMM) ang mga mangingisda, hinarang at nagsagawa ng mapanganib na maniobra. Malaking pinsala ang tinamo ng dalawang bangkang pangisda dahil sa pagsabog ng high water pressure cannon.
Hindi lamang pagbomba ng tubig ang ginawa ng CCG sa mga barko ng Pilipinas. Noong Enero 2025, gumamit ang CCG ng long range acoustic device (LRAD). Ang device ay naglalabas nang mataas na decibel level na sobrang sakit at makasisira sa pandinig. Ginamit ito para i-harass ang (PCG) sa baybayin ng Zambales sa West Philippine Sea. Pinaaalis ng CCG ang PCG vessel BRP Cabra na nagbabantay sa nasabing lugar.
Nang buwan ding iyon, dalawang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng scientific survey sa Kalayaan Island ang hinarass ng tatlong CCG vessels. Patungo sa Kalayaan ang BRP Pagbuaya at BRP Datu Bankaw nang harangin ng CCG vessels at isang PLA helicopter. Dahil sa nangyari, hindi na itinuloy ang scientific mission at nagbalik na ang dalawang barko.
Noong Oktubre 2025, hinabol at binangga ng CCG ang barko ng BFAR sa Pag-asa Island. Nagasgas ang hulihan ng BFAR vessel. Hindi panasiyahan ang mga barko ng CCG sa pagbangga, binomba pa nila ito ng tubig.
Marami ring karahasan na ginawa ang CCG sa mga barko ng PCG noong 2024 kung saan may sundalong Pinoy na naputulan ng daliri matapos banggain ng CCG vessel habang naghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre.
Patuloy ang karahasan ng China at maaring magpatuloy sa 2026. May epekto ba ang mga diplomatic protest na inihain? Daang protesta na ang inihain ng Pilipinas sa ginagawang karahasan pero wa-epek.
Mas maganda kung iboykot ng Pilipinas ang mga produkto ng China para masaktan sila. Ito na lamang ang paraan para matigil ang karahasan ng China sa Pilipinas.
