December 15, 2025 | 12:00am
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang magkapatid na lalaki, na kilala sa pagtulong sa mga barangay tanod at mga pulis sa pagsugpo ng mga illegal na gawain sa kanilang lugar, matapos silang tambangan sa Barangay Udtong sa Lambayong, Sultan Kudarat nitong Biyernes.
Kinumpirma nitong Linggo ng mga local executives at mga officials ng Lambayong Municipal Police Station ang agarang pagkamatay sa insidente ni Arnel Zabila Anas, 20-anyos, at ang kanyang 24-anyos na kuya na si Joemar, mga residente ng Barangay Sigayan sa naturang bayan.
Magkaangkas sa isang motorsiklo ang mag-kuya at pauwi na sa kanila mula sa panonood ng basketball game sa isang lugar sa Lambayong nang tambangan ng at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa isang lugar sa Barangay Udtong.
Ayon sa mga municipal officials, mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush sa magkapatid na Anas na inaalam na ng mga barangay officials sa Udtong at ng mga pulis kung sino ang salarin upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
