December 16, 2025 | 12:00am
TINANGGAL muna sa display at itinago sa storage ang estatwa ni U.S. President Donald Trump sa Louis Tussaud’s Waxworks sa San Antonio dahil sa tindi ng pinsalang tinatamo nito mula sa mga galit na bisita.
Ayon sa pamunuan ng museo, naging “punching bag” ang nasabing wax figure.
Paulit-ulit itong sinusuntok, kinakalmot, at sinasaktan ng mga guests hanggang sa magtamo ito ng malalalim na gasgas, partikular na sa mukha nito.
Paliwanag ni Suzanne Smagala-Potts ng Ripley Entertainment (ang kompanyang may-ari ng museo), sadyang “polarizing” ang mga pulitiko kumpara sa mga artista.
Bagama’t nakaranas din ng vandalism noon ang mga estatwa nina Barack Obama at George W. Bush, tila mas matindi ang naging pisikal na reaksiyon ng publiko sa wax figure ni Trump.
Nilinaw ng pamunuan na neutral sila at wala silang pinapanigan sa pulitika.
Hinahayaan nila ang mga bisita na magpa-picture nang naka-”thumbs up” o “thumbs down” bilang pagpapahayag ng saloobin, ngunit hindi na nila palalampasin ang paninira sa kanilang property.
Sa ngayon, kukumpunihin muna ang estatwa.
Inaasahang ibabalik lamang ito sa public gallery kapag ito ay na-restore na sa dating kalagayan.