Civil servants sa China, nabuking na gumagamit ng maskara para makapag-time in sa trabaho kahit absent!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

December 18, 2025 | 12:00am

Huli sa akto ang ilang staff ng isang neighborhood committee sa Wenzhou City, Zhejiang province matapos nilang dayain ang facial recognition system gamit ang mga maskara upang makapag-attendance kahit wala sila sa trabaho.

Pinangunahan umano ng committee secretary na kinilalang si “Li” ang nasabing modus. Sa halip na pumasok ang buong grupo, isa o dalawang tao lang ang pupunta sa opisina bitbit ang mga na-print nilang maskara na may mukha ng kanilang mga kasamahan.

Isa-isa nilang itatapat ang mga maskara sa facial recognition scanner upang mag-clock in. Dahil dito, lumalabas na “present” ang mga empleyado kahit na sila ay nasa labas at inaasikaso ang kanilang mga personal na negosyo.

Bagama’t hindi sila full-time civil servants, tumatanggap pa rin sila ng allowances, kaya itinuturing itong pagna­nakaw sa kaban ng bayan.

Ang nakakatawa sa pangyayari, kung paano sila nakinabang sa teknolohiya ng facial recognition system, teknolohiya rin ang makahuhuli sa kanila.

Dahil kitang-kita sa CCTV camera na naka­pwesto sa itaas mismo ng facial scanner ang kani­lang ginagawang pandaraya gamit ang mga maskara.

Umani ito ng batikos sa Weibo (ang version ng Twitter sa China). Galit ang mga netizens dahil sa korapsiyon, lalo na’t maraming tao ang hirap makahanap ng trabaho.

Pero bukod sa galit, marami rin ang namangha at natawa: Paanong ang isang high-tech facial recognition system sa panahon ng advanced AI ay naisahan lang ng simpleng maskara na ginawa lang gamit ang office printer?