Ang bagong drama ng China sa West Philippine Sea


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

December 31, 2025 | 12:00am

ILANG araw na lang at matatapos ang 2025, pero humabol pa ng drama ang China. Noong December 27, naglabas ang Chinese Embassy ng opisyal na pahayag at mga larawan, ipinagmamalaki ang diumano’y “assistance” sa isang Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea. Nag­bigay daw sila ng tubig at biskuwit, dahil tatlong araw na raw nakalaot mag-isa sa karagatan.

Mabilis ang sagot ng Philippine Coast Guard (PCG). Ayon kay Commodore Jay Tarriela, okay ang assistance, pero fake news ang spin ng China. Hindi tatlong araw nawa­wala ang mangingisda, at walang imminent danger sa kanyang buhay. Nakadaong siya sa isang payao (fishing aggregate device) at hinihintay ang mother boat. Tanong ni Tarriela sa China: “Teka. Bakit kayo ilegal na nagpapatrulya sa aming exclusive economic zone?”

Nakakatawa. Gusto ng China na palakpakan natin ito, na parang espesyal na kabutihan ang ginawa nila. Pero hindi ba natural lamang na gumawa ng tama at mabuti? Ibig bang sabihin, hindi natural sa China na gumawa ng mabuti sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, at kailangan pa itong ipangalandakan? 

Kung tutuusin, marahas at hindi makatao ang track record ng China sa West Philippine Sea. Kilala sila sa ilegal na panghihimasok at harassment sa ating mangingisda — mula sa water cannon attacks, boat ramming, coercive maneuvers, hanggang sa laser pointing. Kilala rin sila sa pagnanakaw at paninira ng ating yamang-dagat.

Patunay nito, nitong December 12, isang Pilipinong ma­ngi­ngisda ang nasaktan at dalawa sa kanilang bangka ang napinsala matapos silang i-water cannon ng Chinese vessels sa Escoda Shoal. Bago pa rito, noong 2019, binangga ng isang Chinese vessel ang F/B Gem-Ver na may 22 mangingisda at tinakasan ang ating kababayan sa karagatan. Buti na lamang, nailigtas sila ng mga Vietnamese na mangingisda. Ilan lamang ito sa napakaraming bilang ng pandarahas.  

Kaya tama si Atin Ito co-convenor Rafaela David, “propaganda-driven assistance” lang ang ginawa ng China. Maliwanag na PR stunt. Gusto nilang limutin natin ang mahabang kasaysayan ng pang-aapi sa ating mangingisda at pag-agaw sa ating karagatan. At ano ang kabayaran? Isang bottled water at ilang pirasong biskuwit.

Mga kababayan, huwag pauto at pabudol! West Philippine Sea, Atin ito!