Mga papel na may dugo: Sino ang totoong nanlalamang?


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

December 31, 2025 | 12:00am

HINDI pa man natutuyo ang lupa sa sinapit ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral, sumabog na ang mas ma­bigat na tanong kanino ba talaga napunta ang mga papel at paano?

Ngayon, nasa gitna ng apoy si Batangas Rep. Leandro Leviste.

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, hindi puwedeng palampasin kung paano nakuha ni Leviste ang umano’y mga file ni Cabral mga dokumentong ginamit para ibato ang mabibigat na alegasyon ng budget insertions laban sa ilang pulitiko, kasama ang party-list ni Ridon mismo.

Pagkatapos mamatay si Cabral sa pagbagsak sa Baguio nitong Disyembre, unti-unting inilabas ni Leviste ang bahagi ng mga file. Sabi niya, may basbas daw ito ni DPWH Secretary Vince Dizon.

Pero matigas ang sagot ni Dizon: wala.

Dagdag pa, may empleyado ng DPWH na nagsabi sa GMA News na puwersahan umanong kinuha ang mga doku­mento at nasaktan pa raw si Cabral sa gitna ng kaguluhan.

Dito na pumutok ang banggaan. Giit ni Ridon, kung ang pundasyon ng rebelasyon ni Leviste ay ang sinasabing pahintulot ni Dizon, at kung ang pahintulot na ‘yan ay wala naman pala, guguho ang buong istorya.

Ang lumilitaw, ayon sa kanya, hindi opisyal na pagkuha kundi posibleng iligal na agaw ng dokumento.

Babala ni Ridon, hindi dapat gawing basurahan ng kahina-hinalang ebidensiya ang Kongreso ‘yung kukunin sa madilim na paraan tapos huhugasan sa liwanag ng publicity para mag­mukhang lehitimo.

Kapag ang ebidensiya ay dumaan sa likod-bintana, sablay agad ang kredibilidad peke ba, buo ba, o pinakialaman na?

Kaya ang hamon ngayon, magpaliwanag. Hindi puwedeng sigaw lang ng korapsiyon ang ibato kung ang mismong pinang­galingan ng bala ay malabo.

Sa labanang ito, walang inosente sa ingay ang tanong lang, sino ang may lakas ng loob na tumayo sa liwanag at managot?

Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang komentaryo batay sa mga ulat at pahayag na nasa publiko. Wala itong kina­katawang panig at hindi naglalayong maghatol ng pagka­kasala. Ang lahat ng sangkot ay pinaniniwalaang inosente hangga’t hindi napapatunayan sa tamang proseso ng batas.