EDITORYAL — Kinabukasan ng bata sinira ng paputok


Pilipino Star Ngayon

January 5, 2026 | 12:00am

LABINGSIYAM katao ang nabiktima ng paputok sa nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon. Lahat sila naputulan ng daliri at mayroong napinsala ang mga mata. Karamihan sa kanila ay menor-de-edad na ang pinakabata ay apat na taong gulang na naputulan ng apat na daliri. Siya ang tanging nagtamo nang malaking pinsala sa lahat ng mga naputukan.

Napakasaklap ng nangyari sa bata na habambuhay na tataglayin ang kapansanan. Hindi na naibalik ang nagkadurug-durog niyang daliri makaraang masabugan ng hindi natukoy na paputok. Hindi rin naman nabatid kung saan kinuha ng bata ang paputok o kung ito ay napulot lamang.

Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 655 ang mga nabiktima ng mga paputok at karamihan ay mga bata. Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga biktima kapag natanggap na ang report ng iba pang ospital. Ayon pa sa DOH, mga hindi matukoy na uri ng paputok ang pangunahing sanhi ng pinsala. Karaniwang ang mga mapaminsalang paputok na Superlolo, bawang, Goodbye Philippines at piccolo ang nagdudulot ng trahedya.

Kagaya ng nangyari sa isang 11-anyos na bata sa Tondo na namatay makaraang masabugan ng napulot na paputok noong Disyembre 28, 2025. Nagkahiwa-hiwalay ang katawan ng bata dahil sa lakas ng pagsabog. Ang kasama ng bata na kasinggulang niya ay kritikal ang kalagayan. Hinahanap naman ng Manila police ang may-ari nang sumabog na paputok.

Sabi ng DOH, mababa raw ng 20 percent ang mga kaso ng mga nabiktima ng paputok ngayong taon. Gayunman, nalulungkot pa rin sila na mayroong mga naputulan ng daliri gaya ng apat na taong gulang na batang lalaki.

Mga kabataan ang kadalasang biktima ng mga paputok. Maagang nasisira ang kanilang kinabukasan dahil sa paputok. Maaari namang maiwasan ang trahedya sa paputok kung magkakaroon ng mahigpit na batas ukol dito. Ibawal ang paputok. Huwag hayaang masira ang kinabukasan ng mga bata.

Ipatupad ang total ban sa paputok sa susunod na taon. Iligtas ang mga kabataan.