January 9, 2026 | 12:00am
UMANI nang matinding kritisismo ang isang mag-asawa matapos nilang suportahan ang desisyon ng kanilang 13-anyos na anak na si “Tarou” na tumigil na sa pag-aaral para mag-focus sa pagiging professional e-sports player.
Ayon sa ulat, magaling ang bata sa paglalaro ng video game na Fortnite at tinuturing ito na isang “prodigy” o expert sa laro kahit ito ay bata pa.
Nagsimula itong maglaro noong three years old pa lamang at pagsapit nito ng eight years old ay tinatalo na nito ang mga professional Fortnite players.
Mayroon na rin itong mahigit 230,000 subscribers sa YouTube.
Katwiran ng ama, ang pagpasok sa eskuwela ay nakakaubos lamang ng enerhiya ng bata na dapat sana ay inilalaan nito sa training.
Ibinida pa nito ang “exceptional concentration” ng anak, kung saan minsan ay naglaro ito ng 28 hours nang tuluy-tuloy nang walang tayuan o kainan.
Gayunman, hati ang opinyon ng publiko; habang may naniniwala sa esports potential ng bata, marami ang nagsasabing ninanakawan ng mga magulang ang bata ng normal na childhood, social skills, at masasayang karanasan na hindi matutumbasan ng video games.