Lalaki, nagsampa ng kaso sa restaurant dahil sa video na nagbunyag ng kanyang pagtataksil


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 8, 2026 | 12:00am

Isang 42-anyos na lalaki sa Sicily, Italy ang nagsampa ng kaso laban sa isang restaurant matapos maging sanhi ng pagkasira ng kanyang pamilya ang isang promotional TikTok video na ini-upload ng establishment.

Sa naturang video, nahagip ang mister na kumakain kasama ang kanyang kabit, lingid sa kaalaman ng kanyang misis na ang paalam niya ay dadalo lamang siya sa isang “business dinner” kasama ang mga katrabaho.

Nang mapanood ng asawa ang video, agad niyang pina­layas ang mister dahil sa kahihiyan at ebidensiya ng panloloko.

Sa tulong ng consumer protection association sa Italy na “Codacons”, iginiit ng lalaki na nilabag ng restaurant ang kanyang privacy rights dahil kinunan siya ng video nang walang consent.

Ayon kay Francesco Tanasi ng Codacons, hindi katanggap-tanggap na basta na lamang videohan ang mga kustomer at i-broadcast ito online dahil sa mga hindi inaasahang epekto nito sa pribadong buhay ng tao.

Humihingi ngayon ang kampo ng lalaki ng danyos perwisyos at pinag-aaralan din ang pagsasampa ng reklamo sa data protection authority ng Italy dahil sa insidente.