Sayang ang ipinasusuweldo kay Senator Bato


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

January 13, 2026 | 12:00am

MANTAKIN N’yo bulong-bulungan lang na naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, hindi na ito nagpakita sa Senado. Walang nakaaalam kung nasaan siya.

Sabagay, karapatan naman niya iyon. Pinili niyang magtago kaysa mahuli ng Interpol at maihatid sa ICC headquarters sa The Hague, Netherlands kung saan nakapiit ngayon si dating President Digong dahil sa case against humanity. Si Bato ang PNP chief nang ipatupad ni Digong ang war against drug kung saan 6,000 ang namatay.

Maraming nagsasabi na dapat dumalo si Bato sa mga sesyon ng Senado dahil ang apektado ay ang mga bomoto sa kanya. Sayang ang malaking halaga na sinasahod niya at ang milyones na pondo sa kanyang opisina.

Sabi ni Senate President Tito Sotto wala siyang kapang­­yarihan na parusahan si Bato. Nakikita ngayon na kapag pulitiko ang umabsent walang limitasyon.

Kung ordinaryong manggagawa ang gumawa nang ma­ha­bang absent gaya ng kay Bato, siguradong tsugi na sa trabaho.

Magbubukas ang regular session ng Senado sa Enero 26 kaya kung may delikadesa si Bato, magpakita na siya at dumalo sa session.

Samantala, walong mamahaling sasakyan ang natukoy ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region sa pangunguna ni Col. John Guiagui. Sinalakay nila ang parking area ng gusali sa Taguig City.

Ayon kay Guiagui, 15 sasakyan ang nasa search warrant subalit 14 lamang ang kanilang naabutan. Ang mga sasakyan ay identified kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ang mga nasamsam na sasakyan ay inilagak sa parking area ng ICI headquarters. Marami pang imbestigasyon ang tatalakayin ng mga ahensiya ni President BBM na ang puno’t dulo ay ang pagdambong ng pondo sa flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kapag pulitiko ang inaakusahan, mabilis silang nakalalabas ng bansa upang magtago at may mga nagpuprotekta pa sa kanilang kapwa “buwaya”.

Ang masaklap, ang gobyerno pa ang gagastos para ma­ibalik sa bansa ang mga tumakas na kawatan. Gagastos pa ang pamahalaan para sila maimbestigahan.