January 12, 2026 | 12:00am
GULAT ang sumalubong sa mga kapulisan sa bayan ng Duffel sa Belgium matapos nilang parahin ang isang kahina-hinalang sasakyan na usad-pagong ang takbo.
Nang tumigil, nadiskubre ng mga pulis na isang 12-anyos na batang lalaki ang nasa likod ng manibela.
Naganap ang insidente noong gabi ng January 2, 2026 habang nagsasagawa ng breathalyzer tests ang mga otoridad.
Nang tanungin, kaswal na inamin ng ama na nasa passenger seat na masyado na siyang lasing kaya inutusan niya ang kanyang 12-anyos na anak na magmaneho pauwi para sa kaligtasan nila.
Ang mas nakababahalang rebelasyon ay nakaupo lamang sa likod ng sasakyan ang ina ng bata at dalawa pang nakababatang kapatid.
Napag-alamang may valid driver’s license ang nanay, ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hinayaan nitong ang kanyang 12-anyos na anak ang magmaneho sa pamilya sa gitna ng gabi.
Dahil dito, parehong pinatawan ng multa ang ama at sinampahan din ng kaso ang ina nito dahil sa “concerning educational situation” na maaaring magresulta sa imbestigasyon ng social services sa kanilang tahanan.