Nasaan na si Atong Ang?


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

January 20, 2026 | 12:00am

NANG mabalitaan ng mga kaanak ng “missing sabungeros” na naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban kay Atong Ang at 17 iba pa, napalundag sila sa kasiyahan dahil mabibigyan na ng hustisya ang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.

Subalit hanggang ngayon ay hindi pa nadadakip si Ang ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Naaresto na ang 17 iba na kinabibilangan ng 10 pulis at pitong sibilyan.

May bali-balitang nakalabas na ng bansa si Ang. Nadidismaya tuloy ang mga kaanak ng missing sabungeros. Bakit hindi pa nahuhuli ang “utak”?

Sabi pa ng mga kaanak, kung noon daw inapura ng Department of Justice ang pagsampa ng kaso laban kay Ang, hindi na ito nakalabas pa ng bansa o nakapagtago sa kaalyado nitong mga kapulisan.

Malinaw naman sa mga pahayag ng ilang opisyales ng PNP na si Ang ay maramng pulis na aktibo at mga retirado na nagbibgay dito ng proteksiyon. Marami umanong pera si Ang at kaya raw tapalan ng pera ang law inforcers.

Ang matinde ay nang magpahayag ang witness na si Jolly Patidongan na kaya rin umano ni Ang na maglatag ng pera sa mga husgado. Kung kayang tapalan ni Ang ang mga huwes bakit nilabasan pa rin siya ng warrant of arrest.

Sabi naman ng mga kaanak ng “missing sabungeros”, kulang ang naging aksyon ni dating DOJ Secretary at ngayon ay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mapabilis ang pagsasampa ng kaso kay Ang.

Dapat kumilos ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration Bureau para habulin si Ang at maibalik sa bansa upang malitis at makulong kapag napatunayan.

Dapat tumulong ang mamamayan para makita si Ang. May nakalaang P10-milyon para siya mahuli. Malaking pera ito.

Nagbabala naman ang PNP sa mga magkakanlong kay Ang na mahaharap sila sa batas. Hindi dapat kupkupin ang isang nagtatago sa batas.

Samantala, isama n’yo na rin kung saan nagtatago si Sen. Ronald dela Rosa. Matagal nang absent si Bato at talo ang mga naghalal sa kanya. Patuloy naman ang suweldo niya. Huwag niyang gamitin ang posisyon. Lumantad na siya.