Ang kapit bahay (8) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 21, 2026 | 12:00am

UMALIS na si John makaraang mag-kiss kay Marie. Papasok siguro sa trabaho si John.

Ano kaya ang trabaho ni John?

Hindi naman sinabi ni John ang trabaho nito nang magkuwentuhan sila.

Walang sasakyan si John. Nagko-commute lang sa pagpasok. Katulad din niya na walang sasakyan.

Kung gugustuhin ni Vince, puwede naman siyang bumili ng kotse. Pero iyon ang huling-huli niyang gagawin kung sakali. Sa kalagayan ng trapik sa Metro Manila, hindi prak­tikal na mag-kotse. Mas ide­yal na mag-bus o mag-MRT o LRT.

Baka iisa ang katwiran nila ni John kaya wala itong sasakyan. Bukod sa sobrang trapik, walang tigil ang pagtaas ng gasolina.

Kaya ang pasya ni Vince, huwag munang bumili ng sasakyan. Makapaghihintay ang pagbili ng sasakyan.

KINABUKASAN, na­pansin­ ni Vince na nag-iisa si Marie sa pagdidilig ng mga halaman. Nasaan si John?

Baka naman tulog pa.

Pero dumaan ang mag­hapon, hindi nakita ni Vince si John.

Baka naman hindi lang lumalabas ng bahay.

MAKALIPAS ang isang linggo, wala pa rin si John.

Ano kayang nangyari?

Nang magwalis si Vince ng mga laglag na dahon sa bakuran, nakita niya si Marie.

Si Marie ang unang bumati.

Itutuloy