January 20, 2026 | 12:00am
ISANG hindi pangkaraniwang reklamo ang natanggap ng Serangoon North Neighbourhood Police Post sa Singapore matapos dumulog ang isang babaing nagngangalang “Carol” dahil sa sama ng loob sa isang food stall.
Nagsimula ang insidente noong January 13 nang bumili si Carol ng prawn dumpling noodles. Pag-uwi, nagulat siya nang makitang chicken feet ang laman nito imbes na dumplings, kaya agad siyang bumalik sa tindahan para papalitan ito.
Nilinaw niya rin sa tindero sa pamamagitan ng pag-iling at pagkumpas ng kamay na huwag gawing maanghang ang kanyang pagkain. Dagdag pa nito, padabog na ibinagsak ng tindero ang pagkain sa mesa na ikinagulat niya.
Mas lalong uminit ang ulo ni Carol nang makauwi siya at madiskubreng tila sinadya pa ring lagyan ng chili ang kanyang pagkain sa kabila ng kanyang paulit-ulit na bilin.
Sa tindi ng kanyang galit dahil sa anghang at masamang serbisyo, sumakay pa siya ng bus pabalik sa food stall upang komprontahin ang tindero, ngunit huli na ang lahat dahil sarado na ang stall at nakaalis na ang lalaki.
Dahil hindi nakaganti o nakapagreklamo nang personal, dumiretso na lamang siya sa presinto para magpa-blotter at ipakita ang kanyang pagkadismaya.
Iginiit niyang nagbayad siya nang tama kaya hindi nararapat ang ganoong trato sa kanya, at sumumpa siyang hinding-hindi na uulit sa naturang tindahan.
Gayunman, malabo itong mauwi sa anumang kaso.
Ang mga reklamong tulad ng “maling order,” “maanghang na pagkain,” o “masungit na tindero” ay itinuturing na civil disputes at hindi krimen.
Kadalasan, ang ganitong mga police report ay nire-record lamang for documentation purposes, ngunit hindi ito iimbestigahan ng mga pulis dahil wala namang naganap na paglabag sa batas.
Pinayuhan lamang siya ng mga awtoridad na idulog ang reklamo sa Consumers Association o makipag-usap sa may-ari ng tindahan, dahil walang basehan para sa kasong kriminal sa simpleng pagkakamali sa pagkain.