Saan nagnakaw ng kapal ng mukha ang mga Discaya at si Marcoleta?


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

January 21, 2026 | 12:00am

“PARA kaming ninanakawan.”

Ito ang pahayag ni Curlee Discaya sa pagdinig ng Se­nate Blue Ribbon Committee noong Lunes, kaugnay ng usapin ng restitution o pagbabalik ng perang diumano’y ninakaw mula sa bilyun-bilyong pisong maanomalyang infrastructure projects. Ayon sa kontraktor na inaakusahan ng pandarambong, ang pagsosoli ng kanilang umano’y nakaw na yaman ay isa raw anyo ng pagnanakaw sa kanila.

Saang planeta nagnakaw ng kapal ng mukha si Curlee Discaya? Sana kasing tibay ng mukha niya ang kanilang mga substandard infrastructure projects. Sila pa raw ang ninanakawan. Sino ngayon ang magnanakaw, ang samba­yanang humihingi ng hustisya at pananagutan? Ibig bang sabihin, ninakaw din ang mga luxury car na sinamsam ng pamahalaan at isinailalim sa auction? Kawawa naman pala sila, ano?

Ayon kay Sen. Rodante Marcoleta, tagapagtanggol ng mga Discaya, hindi dapat gawing precondition ang resti­tution upang sila ay tanggapin sa Witness Protection Prog­ram (WPP). Wala raw ito sa batas. Ginawa niyang halimbawa ang pagsosoli ng pera ng ilang dating DPWH engineers gaya ni Henry Alcantara.

Hindi nakapagtataka ang pagtatanggol ni Marcoleta. Ang asawa niya ay director diumano ng isang insurance firm na konektado sa mga proyekto ng Discaya. Siya naman ay may isyu sa hindi pagiging tapat sa kanyang statement of campaign expenditures (SOCE). Birds of the same feather, protect one another.

Mabilis at maanghang namang sinupalpal ni Department of Justice (DOJ) Prosecutor General Richard Fadullon si Marcoleta. Aniya, walang ipinapataw na kondisyong restitution ang DOJ para makapasok sa WPP. Ang pagsosoli ng pera nina Alcantara, paliwanag niya, ay legal dahil ito ay kusang-loob at bunga ng kanilang malayang kasunduan sa DOJ.

Tanong pa ni Fadullon, hindi ba’t tungkulin ng pamahalaan na bawiin ang ninakaw na yaman upang tugunan ang panawagan ng taumbayan para sa hustisya? Tinawag din niyang sinungaling si Curlee. Giit niya, paano tatanggapin sa WPP ang mga Discaya kung hindi naman sila dumudulog sa DOJ? Kaya tama si Senator Kiko Pangilinan, paano magiging state witnesses ang mga Discaya kung hindi sila cooperative, hindi lamang sa DOJ kundi maging sa Senado?

Api-apihan ang drama ng mga Discaya. Biktima lang daw sila ng bulok na sistema. Gusto nilang maging whistleblowers, tumanggap ng proteksyon ng pamahalaan, ngunit walang pananagutan at walang pagbabalik ng kanilang nakaw na yaman. Ano sila, hilo?

They don’t deserve state protection. They deserve to rot in prison.