January 25, 2026 | 12:00am
HABANG nagngangalit ang Bulkang Mayon at patuloy ang paglikas ng mga pamilya sa Albay, tahimik ngunit mabilis na bumalik ang jueteng sa lugar.
Sa kabila ng sakuna, pinili ng jueteng operator na kumita sa iligal na sugal imbes na tumulong sa mamamayan, malinaw na anyo ng pananabotahe sa kapakanan ng taumbayan.
Matagal nang kilala ang jueteng bilang ugat ng krimen. Kung pinayagan itong umiral, kasunod nito ang pagnanakaw, droga, korapsyon, at pagkawasak ng mga pamilya.
Kaya nakakagalit na sa panahong kailangan ng disiplina at malasakit, muling inilalako ni alyas “AN” ang huwad na pag-asa ng sugal sa mga komunidad na hirap na hirap.
Mas nakababahala, tila pumayag naman ang ilang opisyal na protektahan ang jueteng kapalit ng STL.
Kung totoo ito, malinaw na may mga taong handang ipagpalit sa kita ang batas at kapakanan ng Albay.
Ito ang sistemang bulok na matagal nang tinutuligsa ng mamamayan—sistemang kumakampi sa sindikato at tumatalikod sa masa.
Ang hamon ay hindi lamang para sa PRO5 sa ilalim ng pamunuan ni Brig. Gen. Erosito Miranda, kundi sa buong hanay ng kapulisan at lokal na pamahalaan na patunayan na “ang batas ay hindi natutunaw sa init ng bulkan.”
Ang kautusan ni Albay provincial police director Col. Noel Nuñez na magsagawa nang malawakang anti-illegal gambling operations ay mahalagang hakbang, ngunit ang tunay na sukatan ay nasa tuluy-tuloy at walang pinipiling pagpapatupad.
Kung hindi pa ini-expose ang isyu, saka na lamang gumalaw ang pulisya noong Huwebes ng gabi nang i-raid at mahuli ang 29 na suspek at nasamsam ang mahigit P200,000 na taya sa Bgy. Sipi, Daraga.
Sana hindi lamang pakitang-tao o ningas cogon ang pag-raid kundi tuluy-tuloy na operasyon, aresto, at kaso laban sa mga sangkot—lalo na ang mga protektor—upang tuluyang masugpo ang jueteng sa Albay.
* * *
Para sa comment, i-send sa: [email protected]