PARA mapangalagaan ang puso, ipinapayo ng American Heart Association na kumain ng mga mapupulang pagkain.
Narito ang anim na mga mapupulang pagkain:
1. Pulang ubas – Ang pulang ubas ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratrol (nasa balat ng pulang ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nagpapataas ng ating good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pagbuo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat.
Ayon sa mga eksperto, mas masustansiya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at sa bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba rin.
2. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease.
Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa rin ng lebel ng bad cholesterol (LDL cholesterol) ng 16 percent kaya mabuti ito sa ating puso.
3. Red wine – Ang red wine ay gawa sa ubas at may taglay na resveratrol. Pinatataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Nakatutulong din para makaiwas sa cancer.
Hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Ang mga lalaki ay puwedeng uminom ng dalawang maliit na baso at ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng isang maliit na baso bawat araw. Dahil mas payat sila, mas madaling malasing ang mga babae kumpara sa mga lalaki.
4. Strawberries – Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser. Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.
5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-carotene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxidant.
Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pagkain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at kanser sa bituka.
Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika.
Ayon sa mga eksperto, kailangang kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.
6.Pulang pakwan – Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa puso at blood vessels.
Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa katawan. Ang arginine ay nako-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ugat.
Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack. Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa pag-edad.