October 18, 2025 | 12:00am
YUMAYABONG ang ekonomiya ng Capiz. Kinagigiliwan ng local tourist ang matataba at sariwang mga isda, shell, sugpo, hipon, alimango at talaba na talaga namang katakam-takam. Likas sa mga Capiznon ang pagiging malinis sa kapaligiran kaya ang mga inaalagaang alimango, sugpo at hipon ay siguradong malinamnam. Ito ang mga produkto ng mga Capiznon na nagpapaangat sa ekonomiya.
Bagama’t may kakulangan ang Capiz sa fingerlings ay masikap naman itong umaangkat sa Sorsogon, Samar, Camarines, Cagayan. Malaki ang pinupuhunan ng fishpond owners bago maka-produce ng masasarap na seafoods. Kaya naman sa ngayon, masasabi kong patuloy ang pag-unlad ng ekonomiya sa Capiz at ang resulta nito, nabawasan ang mga nagugutom sa probinsiya.
Magaling si Capiz Governor Fredenil “Oto” Castro sa pamamalakad kaya ang mga negosyante ay nakabawi na sa pagka-lugmok. Nang dumaan kasi ang Bagyong Yolanda halos mapulbos ang Capiz. Hirap na hirap makaahon ang mga Capiznon dahil napinsala ang kanilang mga sakahan at palaisdaan.
Sa ngayon, sa liderato ni Castro, nabigyan ng sulosyon ang pagragasa ng tubig baha na nagmumula sa mga kabundukan matapos palaparin ang mga sapa na pinagdadaraanan ng tubig baha patungo sa karagatan.
Noong panahon ni dating President Ferdinand Marcos Sr., tinaguriang second rice granary ng Pinas ang Capiz. Ngayon, sagana parin ang ani rito dahil hindi na gaanong binabaha ang kanilang mga sakahan.
Ang hindi lamang kagandahan dito, may ilang palayan na tinirikan ng mga kabahayan kaya kumipot na ang mga lupain. Napipilitang ibenta ang kanilang sinasakang lupa dahil super baba ng presyo ng palay. Bahala na diyan si Agriculture secretary Francisco Tiu Laurel. Nararapat timbangin ni Tiu Laurel kung may kikitain pa ang mga magsasaka.
Nais iparating ng mga Capiznon kay Castro, na mabigyan ng pansin itong mga itinitindang isda sa mga palengke. Ibinabad na ang mga ito sa chemical kaya pagkauwi mo, umaalingasaw na sa baho at pagkabilasa. Dapat pakilusin ni Castro ang kanyang mga tauhan para maaresto ang mga nagtitinda ng mga isdang bulok.