EDITORYAL — Huwag isurender ang Kalayaan Island Groups


Pilipino Star Ngayon

February 10, 2026 | 12:00am

Ang Kalayaan Island Group (KIG) ay isang munisi­palidad sa Palawan. Sa 2023-2024 census mayroong 400 residente sa Kalayaan. Binubuo ito ng mga pamilya na ang ikinabubuhay ay pangingisda, may mga tauhan ng pamahalaan at mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG). May eskuwelahan at may os­pital para sa mga residente. Tahimik na nabubuhay ang mga residente. Patuloy ang kanilang malinis na pa­mumuhay.

Ang Kalayaan ay bahagi ng Spratly Islands na natuk­lasan ni Tomas Cloma at kanyang kapatid na si Felimon noong 1947. Dahil si Cloma ang nakatuklas, siya ang nagkaroon ng karapatan sa isla at nagmay-ari nito. Hindi nagtagal, isinuko ni Cloma sa pamahalaan ng Pilipinas ang pagmamay-ari sa lupain.

Mapayapa ang buhay ng mga Pinoy sa Kalayaan pero dahil sa sinabi ni Sen. Rodante Marcoleta na i-give­up na lang ang Kalayaan Group of Islands marami ang natigatig at hindi makapaniwala na ganito na lamang ba kadali para isuko ang karapatan sa isla.

Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, labis siyang nabigla sa sinabi ni Marcoleta na ipamigay na lang ang KIG. Hindi raw siya mapakali dahil kailangang liwanagin kung bakit naging pag-aari ng Pilipinas ang KIG. May basehan umano kung bakit napunta sa Pilipinas ang isla. Hindi raw niya talaga matanggap ang mungkahi ni Mar­­coleta dahil may mga Pilipino sa KIG. Naniniwala si Lacson na ang pagsuko ng Kalayaan Island Group ay pagsuko na rin ng buong Luzon o ng Pilipinas sa China.

Ang mungkahi ni Marcoleta na i-giveup na lang ang KIG ay pagsalungat naman sa minsan ay sinabi ni Pre­sident Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25, 2022, na ang kanyang administrasyon ay hindi isusuko ang ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa mga dayuhan. Ang kanyang pahayag ay may kaugnayan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kung saan hayagan ang pag-angkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas na napanalunan noon pang 2016.

Nakalulungkot na kung sino pa ang halal ng taumbayan ang unang-unang magmumungkahi na i-giveup na lang ang isla na pag-aari naman ng Pilipinas. Nakadidismaya na kung sino pa ang dapat magprotekta sa pag-aari ng Pilipinas ay siya pa ang maytapang na i-giveup na lang.

Hindi masisisi si Lacson kung magbabala laban sa mga tinawag niyang “homegrown traitors”, o mga Pili­pinong handang ibenta ang Pilipinas kapalit ng pansariling pakinabang.

Nararapat na magkaisa ang lahat laban sa mga traidor.