February 20, 2026 | 12:00am
KALAHATING oras na ang nakalipas ay hindi pa lumalabas sa bahay si Teresa. Anong nangyari at natagalan?
Baka kaya sinasaktan ni John si Teresa dahil nagtungo sa bahay na walang paalam? Pero dapat pa bang magpaalam ang asawang matagal nang niloloko? Matagal na nga siyang hinahanting ni Teresa dahil sa hindi pagbibigay ng sustento sa anak.
At nasaan naman ang konsensiya ni John kung sasaktan ang asawa. Napakasama niya kung pagbubuhatan ng kamay ang babaing una niyang pinakasalan.
At sinabi naman ni Teresa na hindi niya aawayin si John. Kaya niya kakausapin ay dahil sa sustento na kailangan ng kanilang anak. Sabi nga ni Teresa, kaya niya gagawin ang pakikipag-usap kay John ay para sa anak—wala nang iba. Kailangan ng anak ang sustento lalo at mag-aaral na.
Hindi mapakali si Vince habang hinihintay ang paglabas ni Teresa sa bahay.
Bakit kaya wala pa?
Puntahan kaya niya?
Pero baka maghinala si John. Ayaw niyang masangkot sa gulo ng mag-asawa.
Ilang beses napabuntunghininga si Vince.
Kung nag-aaway naman ang dalawa, sana narinig niya ang sigawan. Wala naman siyang narinig.
Silipin kaya niya?
Puwede naman siyang sumampa sa bakod para makatungo sa bahay ni John.
Bahala na.
(Itutuloy)