Ang Kapitbahay (34) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 21, 2026 | 12:00am

HINDI mapakali si Vince habang hinihintay ang paglabas ni Teresa sa inuupahang bahay ni John. Baka may nangyaring hindi maganda sa pag-uusap ng dalawa at kung ano ang nagawa ni John kay Teresa.

Baka lasing pa si John at nang makita ang pagdating ni Teresa ay nagalit. Nagkasagutan at humantong sa sakitan.

Pero kung nagkasagutan, bakit wala naman siyang narinig na sigaw o anumang masasamang salita?

At saka sabi ni Teresa, hindi raw siya mag-eeskan­dalo. Ang pakay lang niya ay maipaalam kay John ang tungkulin nitong magbigay ng sustento sa kanilang anak. Hindi nga raw siya magmamakaawa kay John.

Hindi malaman ni Vince ang gagawin. Kapag may nangyari kay Teresa, kargo de konsensiya niya dahil siya ang nag-tip dito na nasa bahay si John.

Ipinasya ni John na alamin kung bakit hindi pa lumalabas ng bahay si Teresa.

Tinungo niya ang gate ng bahay ni John. Hindi naka-lock ang gate kaya pumasok siya. Nang nasa bakuran na siya, nagtaka siya dahil tahimik na tahimik sa loob. Kinabahan si Vince.

Sumilip siya sa pinto na nakaawang nang bahagya.

Nagulat si Vince sa nakita! (Itutuloy)