Magdyowa na big-time tulak arestado sa P340K shabu


Cristina Go Timbang — Pilipino Star Ngayon

February 22, 2026 | 12:00am

CAVITE, Philippines — Nalambat ng pulisya ang magdyowa na hinihinalang tulak ng illegal na droga sa inilatag na buy-bust operation itong Pebrero 20 sa Dasmariñas City.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa alyas “Amo” at “Joey”, kapwa nasa hustong gulang at kasama sa High Value Individual list ng pulisya.

Ayon sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Cavite Police Provincial Office director Col. Ariel Red, naglatag ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cavite PPO, Dasmariñas Component City Police at PDEA laban sa mga suspek.

Alas-7:15 ng gabi nang ikasa ng grupo ang buy-bust operation sa pangunguna ni PLt. Col. Mac Arthur Mercader,  ng PIU at matagumpay na naaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang transpa­rent plastic ice bag at dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may timbang na mahigit 50 gramo na may halagang P340,000.